Stopover

May 16, 2008

Filed under: Uncategorized — admin @ 12:17 am

.

May 15, 2008

Filed under: Uncategorized — admin @ 8:05 am

PAG-IBIG

Isang aklat na maputi, ang isinulat: Luha!
Kaya wala kang mabasa kahit isa mang talata;
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata;
Tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.

Ang Pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa-puso!
Pag pinuso, nasa-isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo’y naglalaho;
Layuan mo at kay-lungkot, nananaghoy ang pagsuyo!

Ang Pag-ibig na dakila’y aayaw nang matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang nahalikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.

Ang Pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos!
Ang Pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod,
Pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog!

Ang Pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,
Tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
Ngunit kapag nag-alab na pati mundo’y nalimutan —
Iyan, ganyan ang Pag-ibig, damdamin mo’t puso lamang!

Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay aariin mong langit!

Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag;
Ang marunong umibig, bawat sugat ay bulaklak:
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw ng kabiyak;
O wala na kahit ano, o ibigay mo ang lahat!

“Ako’y hindi makasulat at ang Nanay ay nakabantay!”
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal!
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay,
Minamahal ka na niya nang higit sa kanyang buhay!

Kayong mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
Kayong mga paruparong sa ilawan lumiligid,
Kapag kayo’y umiibig na, hahanapin ang panganib,
At pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!

Filed under: Uncategorized — admin @ 7:55 am

ANG INAHING MANOK AT
ANG KANYANG MGA SISIW

Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais. Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, “Panahon na upang anihin ko ang aking maisan! Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!”

Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, “Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!”

“Huwag kayong mabahala mga anak,” ang wika ng inahing manok. “Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon! May panahon pa tayo upang manirahan dito.”

Tama nga ang sinabi ng inahing manok. Sapagkat kinabukasan nga’y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka.

“Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!”

“Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina. Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, “Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon! May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan. May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!”

Kinabukasan nga’y tama uli ang sinabi ni inahing manok. Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.

Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, “Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!”

Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.

Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, “Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!”

Filed under: Uncategorized — admin @ 7:54 am

ANG ASO
AT ANG KANYANG ANINO

Isang aso ang nakahukay ng buto sa lupa. Tuwang-tuwa siya at dali-daling hinawakan ang buto sa pamamagitan ng kanyang bibig.

Dinala niya ang buto upang iuwi sa kanyang tirahan, ngunit nang siya ay malapit na, napadaan siya sa isang ilog. Pinagmasdan niya ang ilog at doo’y nakita niya ang sariling anino. Sa pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak-hawak ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang tinahulan upang maangkin din ang butong pag-aari nito.

Dahil dito, humulagpos mula sa kanyang bibig ang butong hawak-hawak at nahulog sa ilog. Tinangay ng agos ang buto at hindi na uli nakuha pa ng sakim na aso.

Filed under: Uncategorized — admin @ 7:53 am

ANG LOBO AT ANG KAMBING
Isang lobo ang nahulog sa balon na walang tubig. Sinikap niya ang tumalon upang maka-ahong palabas, ngunit lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan.

Noon dumating ang isang uhaw na uhaw na kambing. Lumapit ito sa balon at narining ang tinig ng lobo. “Marami bang tubig sa loob ng balon?” tanong nito sa lobo. “Oo, napakarami!” ang pagsisinungaling na sagot naman ng lobo.

Hindi na nagdalawang-isip pa ang kambing. Agad itong tumalon sa balon. At nalaman ngang siya’y niloko lamang ng lobo. “Ngayo’y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito,” ang sabi ng lobo. “Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito,” ang sabi ng kambing.

“Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo. Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon.”

“Papaano?”

Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing. “Ako muna ang lalabas. At kapag nakalabas na ako, at saka kita hahatakin palabas,” pangako nito. “Sige,” ang sabi naman ng kambing.

Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing. Ngunit noong pagkakataon na ng kambing para tulungan nito’y agad iyong tumawa ng malakas. Pagkuwa’y sinabing, “Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko.”

Malungkot na naiwanan ang kambing sa malalim na balon.

Next Page »